Manila, Philippines – Negatibo sa drug test si Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog at kapatid na si Reynaldo.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni police Supt. Ramos Bergonio Chief Operations Division ng PNP Crime Laboratory na walang nakitang traces sa urine sample ng magkapatid na Parojinog na gumamit sila ng shabu at marijuana.
Sumailalim aniya sa drug test ang mga Parojinog noong July 31 nang dinala na sa PNP Custodial Center o isang araw matapos magsagawa ng operasyon ang Ozamiz PNP noong July 30.
Negatibo rin sa drug test ang labing isang iba pang naaresto na nakilalang sina Lucky Lou Bending, Cristhofel Margaha, Juan Segismundo, Regie Robles, Federico Manon-Og, Lolito Jamago, Marcilito Bitonio, Lolito Jamago, Nicolas Alburo, Jonard Arciaga, Manuel Paran.
Sinabi naman ni Chief Inspector Yela Apostol, Chemist ng crime lab na may tsansang mag negatibo sa drug test ang isang taong gumagamit sa ilegal na droga depende kung mabilis ang metabolism.
Bagamat nag negatibo sa drug test, tiniyak ni PNP Spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos na hindi maapektuhan ang kasong illegal drugs at illegal possession of firearms na kinakaharap ng magkapatid na Parojinog.