Magkapatid na Wanted, Nalambat ng Awtoridad

Benito Soliven, Isabela – Nasukol din ng kapulisan ng Benito Soliven ang magkapatid na matagal nang nagtatago sa batas.

Ang magkapatid na wanted ay may kasong pagpatay.

Sa nakalap na impormasyon ng RMN News Team kay PSI Joel Bumanglag, hepe ng PNP Benito Soliven, unang nasukol sa inilatag na checkpoint ang suspek na si Ariel Nillo, 35 taong gulang at residente ng Barangay Guilingan sa naturang bayan.


Naging madulas sa una itong si Ariel Nillo dahil natunugan niya ang mga kapulisan nang siya ay puntahan sa kanyang bahay. Agad siyang tumalilis gamit ang motorsiklo patungong poblacion kaya agad naglatag ng checkpoint ang PNP at dito siya nalambat.

Pagkadala sa kanya sa presinto ay inginuso ang kanyang nakababatang kapatid na si Charlie Nillo na nagtatago din sa batas sa kalapit na barangay.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang PNP Benito Soliven kasama ang mga elemento ng 86th IB ng Philippine Army dahil na rin sa liblib na lugar ang pinagtataguan ng nasabing suspek at sadyang mapanganib dahil lagi umanong may dalang armas.

Agad tinungo ng magkasamang puersa ng pulis at militar ang pinagtataguan ng pangalawang wanted na si Charlie Nillo.

Lumaban ang wanted sa pamamagitan ng paghataw niya ng panabas sa isang pulis ngunit maswerteng nailagan ito ng pulis.

Pinagtulungang sunggaban ang suspek at agad itong naposasan.

Magkasama sila ngayon na magkapatid sa kulungan ng BJMP na nakabase sa Ilagan, isabela.

Bukod sa kasong murder na kanilang kinakaharap ay napag alaman din ng RMN News team may kinakaharap ding kaso na illegal na pagdadala ng baril ang nakakatandang Nillo sa karatig bayan ng Naguilian, Isabela.

Facebook Comments