Patay ang magkapatid na babae mula Laurel, Batangas matapos tamaan ng kidlat noong Linggo.
Kinilala ang mga biktima na sina Kathlene, 15, at Kheycee, 13, na idineklarang dead on arrival habang itinatakbo sa ospital.
Kwento ng ina ng dalawa, umakyat sa bundok ang mga anak para kumuha ng buko at mangga.
Gagamitin daw nila itong sangkap para sa gagawing suman na kanilang ibebenta nang bigla umanong tumama ang masamang panahon.
Pansamantala raw nanatili sa kubo ang mga dalagita nang makarinig ng kulog na may kasamang kidlat nang bigla itong tumama sa kanila.
Sa imbestigasyon ng Laurel Police, lumalabas na isa sa dahilan ang cellphone ng isa sa kanila kaya sila tinamaan ng kidlat.
Ito ay matapos nilang makitang may basag ang cellphone matapos mangyari ang insidente.
Samantala, labis naman ang dalamhati ng mga magulang ng dalawa sa nangyaring trahedya.