MAGLIVE-IN PARTNER PATAY SA SALPUKAN NG MOTORSIKLO AT FLORIDA BUS SA N. VIZCAYA

*NUEVA VIZCAYA*- Imbes na dalawin ang kaibigag biktima ng aksidente sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital, sila ngayon ang nakatakdang paglamayan. Agad na binawian ng buhay ang maglive-in partner na magka-angkas sa motorsiklo matapos na salpukin ang kasalubong na pampasaherong Florida bus sa Sta. Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang mga nasawing sina Roderick Lanuza, 20 anyos, driver ng motorsiklo at angkas nitong si Myrna Dumangeng, 29 anyos, biyuda, kapwa residente ng Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya. Ang bus na may plakang DOM 879 ay minamaneho ni Antonio Rumbaoa, 48-anyos, residente ng Kinacao, Bagabag, Nueva Vizcaya. .

Sa panayam ng 98.5iFM Cauayan kay P/Capt.Jolly Villar, OIC ng PNP Bayombong, base sa nakita sa dash cam ng bus ay biglang umagaw ng linya patungong kaliwang direksyon ang motorsiklong sinakyan ng mga biktima, dahilan para sumalpok sa naturang bus patungong Isabela. Aniya, nakaladkad ang dalawang sakay nito hanggang tatlong metro ang layo at pumasok pa ang ilang bahagi ng motorsiklo sa ilalim ng bus.


Ayon naman sa pahayag ng driver ng bus, bigla umanong bumulaga sa kanyang harapan ang motorsiklo kaya hindi na niya nagawang iwasan pa.

Pansamantala nasa kustudiya ng pulisya si Rumbaoa habang inihahanda ang isasampang mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.

Facebook Comments