Pahihintulutan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng grupo na may permit na mag-rally sa EDSA bukas, anibersaryo ng 1986 People Power Revolution.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, malayang bansa ang Pilipinas kaya malayang magpahayag ng saloobin ang sinuman batay na rin sa nakasaad sa batas.
Tiwala naman si Gamboa na hindi makaka-ipon ng malaking pwersa ang mga nasa likod ng planong patalsikin ang Pangulo sa pwesto.
Ito ay sa harap ng banta ng mga kontra sa gobyerno na uulitin nila ang ginawa noong 1986 People Power Revolution para mapatalsik ang Pangulo.
Ayon kay Gamboa, masaya naman ang publiko sa pamamalakad ng Pangulo base sa mga survey, kaya hindi nababahala ang PNP sa mga magra-rally sa EDSA bukas.
Giit ni Gamboa, kung walang suporta ng pulis at militar, ang anumang tangkang pabagsakin ang gobyerno ay hindi ito magtatagumpay.
Kaugnay nito ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na aniya ang bahala sa seguridad sa EDSA Anniversary bukas at ang tanging instruction sa kanila ay maging “vigilant”.