Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang magsasaka matapos na ireklamo sa pagbabanta sa isang miyembro ng Task Force sa Brgy. San Vicente, Tumauini, Isabela.
Personal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Teddy Romualdo, 29 anyos, walang asawa, KALIGKASAN Task Force member upang ireklamo ang suspek na nakilalang si Jerry Andres, 53 anyos, may asawa at kapwa residente ng barangay San Vicente.
Sa ibinahaging impormasyon ni PMaj Rolando Gatan, hepe ng pulisya, nakarinig ng putok ng baril ang biktima kaya’t agad na lumabas sa kanyang bahay upang alamin kung saan ito nanggaling.
Dito na nakita ng biktima ang kapit-bahay na suspek na may hawak na baril at biglang itinutok sa kanya at sinabihang “Anya problemam? Patayin ka Pakialamero ka”.
Dahil sa takot ng biktima ay agad itong tumakbo at nagsumbong sa presinto.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek habang narekober naman ang hindi lisensyadong baril nito na Caliber 38 matapos na itago sa pastulan na nasa mahigit kumulang 100 metro ang layo mula sa pinangyarihan ng insidente.
Inihahanda na ng pulisya ang mga kaukulang kaso na isasampa laban sa suspek.