Magsasaka sa Libmanan, CamSur, Patay sa Kidlat

 

Isang magsasaka sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur ang natagpuang nakahandusay sa pilapil ng kanyang lupang sinasaka sa Barangay Busak kahapon bandang ala-una ng hapon. Patay na ito nang maabutan ng mga residente. Nakilala ang magsasaka na isang Juancho Cornelio, 69, magsasaka, at residente ng Barangay Bagacay, katabing barangay lamang ng Barangay Busak.

Ayon sa report ng Libmanan Police, may sunog sa bahagi ng katawan ng namatay at pinaghhihinalaang tinamaan ito ng kidlat.

Ayon sa pahayag ng maybahay ni Cornelio na si Avelina Cornelio, umalis ng bahay kahapon ng umaga ang kanyang asawa para pumunta sa kanilang lupang sinasaka, nang bumuhos ang malakas na ulan. Walang kamalay-malay ang nasabing maybahay na yon na pala ang hudyat at magiging sanhi ng pagkamatay ng kanyang kabiyak. Hindi lubos maisip ni Aling Avelina na yon na rin pala ang huling pagkikita nilang mag-asawa. Isang malamig na bangkay na ni Juancho ang iniuwi sa kanilang pamamahay kinagabihan.


Idinagdag pa sa report na wala namang senyales na mayroong foul play sa sinapit ng nabanggit na magsasaka. Wala ring kinakikitaan na alahas, agimat o bagay na pinaniniwalaang posibleng nakaakit sa kidlat, maliban na lamang sa dala-dala nitong matalim na itak.

Ayon naman sa pahayag ni Barangay Kapitan Florencia Enciso ng Busak, nakatanggap siya ng tawag mula sa mga nakadiskubreng residente na humihingi ng tulong. Dagli umano silang gumayak upang rumesponde sa nasabing pangyayari subalit wala ng buhay ang magsasaka nang maabutan nila ito. May kalayuan din ang nasabing sakahan mula sa centro ng barangay.

Facebook Comments