Roxas, Isabela – Arestado ang isang magsasaka matapos na makita ang nakasukbit na baril sa baywang nito kahapon sa Brgy. Matusalem, Roxas, Isabela.
Mariing iginiit ni Police Chief Inspector Engelbert Bunagan, hepe ng Roxas Police Station na ipinaabot umano ng mga nagpatrolyang barangay tanod sa nasabing lugar ang pag-iingat ng iligal na baril ng suspek na kinilalang si Carlo Saldivar Bergonya, a.k.a Allot, tatlumpu’t isang taong gulang, may asawa, isang minero at magsasaka at residente ng nabanggit na lugar.
Aniya, nakasalubong umano ng mga barangay tanod ang suspek at habang kinakauasap umano ito ay ipinakita ni Bergonya ang kanyang baril na nakasukbit sa baywang nito.
Sinubukan umano ng mga tanod na kunin ang baril ng suspek ngunit tumanggi si Bergonya kaya’t ipinarating na lamang ito sa himpilan ng pulisya.
Sinabi pa ni Police Chief Inspector Bunagan na sa pagresponde ng mga pulis ay nasa impluwensya ng nakakalasing na inumin ang suspek.
Nakuha sa pag-iingat nito ang calibre 38 na may lamang dalawang bala kung saan ay dinala agad sa himpilan ng pulisya para karagdagang imbestigasyon at dokumentasyon sa kasong paglabag nito sa RA 10591.