Magsasakang Tinambangan ng Isang Lalaki, Maswerteng Nakaligtas!

Buguey, Cagayan- Kasalukuyang nagpapagaling ngayon sa pagamutan ang isang lalaki matapos barilin pasado ala una kahapon, Marso 20, 2018 sa Brgy. Villa Cielo, Buguey, Cagayan.

Ang biktima ay kinilalang si Romer Gorospe, bente siyete anyos, may asawa at residente ng naturang barangay habang ang suspek naman sa pamamaril ay kinilalang si Rodante Inong.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Buguey Police Station, nakatanggap umano sila ng impormasyon mula kay punong barangay Furtunato Barcena ng naturang bayan na pauwi na umano ang biktima sa kanilang bahay lulan ang minamanehong motorsiklo nang biglang paputukan ito ni Inong sa kaliwang bahagi ng baywang ni Gorospe.


Agad umanong tumakas ang suspek matapos barilin si Gorospe na agad namang isinugod sa Don Alfonzo Enrile Hospital para sa kaukulang lunas.

Narekober ng mga opisyal mula sa pinangyarihan ang isang bala ng gauge 12 at ipinasakamay na sa himpilan ng pulisya.

Patuloy pa rin sa isinasagawang pagtugis ng PNP Buguey sa suspek at kasalukuyang iniimbestigahan ang naturang pamamaril.

Facebook Comments