Maguindanao Isinailalim Sa State Of Calamity Dahil Sa El Nino

Abot na sa Php108 milyon ang tinatayang halaga ng pinsala sa agrikultura dulot ng pananalasa ng El Niño phenomenon o matinding tagtuyot sa probinsiya ng Maguindanao. Mas malawak na ang taniman ng palay at mais ang apektado ngayong linggo.

Ayon kay Maguindanao Provincial Agricultural Officer Dr Daud K. Lagasi, umabot na sa Php108.2 milyon ang halaga ng pinsala sa pananim mula Php93.7 milyon noong a-25 ng Enero.

Ang dumagdag na 14.5 milyon ay naitala mula sa pitong munisipyo na nakapag sumite na rin ng ulat pinsala sa pamamagitan ng mga municipal agricultural officer.


Sa ngayon, labing walong bayan na sa probinsiya ang apektado ng kalamidad.

Ang mga ito ayon kay PAO Lagasi ay Ampatuan, Buldon, Datu Abdullah Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Montawal, Datu Odin Sinsuat, Datu Piang, Datu Unsay, Guindulungan, Kabuntalan, North Upi, Pagalugan, Rajan Buayan, Shariff Aguak, South Upi, Sultan Mastura, Sultan Kudarat, at Talayan.

Nasa 17, 434 ektarya ang kabuuang lawak ng palayan at maisan na apektado ng matinding tagtuyot.

Ang mga magsasakang lubhang apektado ay may bilang na 20,221 base sa pinagsamang ulat ng mga mao.

Inihayag naman kahapon ni Maguindanao Gov. Esmael Toto Mangudadatu  dahil sa malaking epekto ng El Nino sa lalawigan ay isinailalim na ito sa State of Calamity. Kamakalawa ay isang resolusyon ang ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan na nagdedeklara sa buong Maguindanao sa ilalim ng State of calamity.

Facebook Comments