Magulang ng Bata na Nalunod sa Ilog, Posibleng Makasuhan!

Cauayan City, Isabela- Maaaring makasuhan ng paglabag sa RA 7610 o Child abuse Law ang magulang ng isang dalagita na nalunod sa bayan ng Tumauini, Isabela dahil sa kanilang pagpapabaya habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Rolando Gatan, hepe ng pulisya, nagtungo sa pinacanauan river ng Brgy. Camasi, Tumauini upang maligo ang biktimang si Janela Espiritu, 11 taong gulang, grade 6, at residente rin sa nabanggit na lugar.

Ayon naman sa ina ng biktima na si Ginang Herminia, kasama ng kanyang anak na nagtungo sa ilog ang mga kaibigan nito.


Habang naliligo at naglalaro ang mga bata sa ilog ay pumunta sa gilid ang biktima nang biglang gumuho ang lupa sa tapat nito kaya’t natabunan at pumailalim sa tubig.

Nakahingi naman ng saklolo ang mga kasamahan nito subalit wala na itong malay nang ma-rescue at madala sa ospital.

Idineklara namang dead on arrival (DOA) ng attending physician ang biktima nang siya’y dalhin sa pagamutan.

Giit naman ni PMaj Gatan, mahigpit na ipinagbabawal ng pulisya ang pagligo sa ilog bunsod na rin ng ipinapatupad na Community Quarantine.

Facebook Comments