
Mahigit ₱33.8 milyon halaga ng ilegal na droga at illicit cigarettes ang nasabat ng mga pulis sa Ilocos Region sa serye ng operasyon nitong Setyembre 2026.
Ayon sa police reports, malaking porsyento ng nakumpiska ay nagmula sa mga operasyon laban sa ilegal na droga, kung saan tinatayang ₱15.35 milyon halaga ng shabu, marijuana at marijuana kush ang nakumpiska.
Kabilang dito ang halos isang kilo ng shabu, higit 146 gramo ng tuyong marijuana leaves at isang gramo ng marijuana kush.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang 40,750 puno ng marijuana at 9,900 seedlings, na nagpapakita ng operasyon laban sa pagtatanim ng marijuana.
Samantala, nakumpiska rin ang tinatayang ₱18.42 milyon halaga ng puslit na sigarilyo sa tatlong magkahiwalay na operasyon kung saan apat na katao ang naaresto.
Sa kabuuan, 643 katao ang naaresto ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa iba’t ibang focused law enforcement operations sa rehiyon noong Setyembre.
Kabilang sa iba pang operasyon ang paghuli sa 286 wanted persons, pagkumpiska ng 46 loose firearms, at mga operasyon laban sa illegal gambling na nagresulta sa 153 pagkakaaresto. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
