Mahigit 1-B seedlings o punla, naitanim na sa ilalim ng National Greening Program

Aabot sa mahigit isang bilyong seedlings o punla na ang naitanim sa bansa sa ilalim ng National Greening Program (NGP) mula 2011 hanggang 2022.

Sa pagtalakay ng pondo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), binusisi ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda ang NGP partikular sa mga punong naitanim sa mga protected area at iba pang lugar.

Ayon kay Senator Cynthia Villar, 1.855 billion na mga punla ang naitanim sa 2.2 million ektaryang lupa mula 2011 hanggang sa kasalukuyan na may 78% survival rate.


Humingi naman si Legarda ng report tungkol sa mataas na survival rate ng mga naitanim na punla at ang mapping ng mga lugar.

Sa ilalim ng 2023, may alokasyon ang NGP na P2.3 billion kung saan hinati ito sa protected areas at existing greening program.

Samantala, umapela naman si Senator Risa Hontiveros na maibalik ang pondo para sa mangroves program ng ahensya lalo’t malaking tulong ito sa pangangalaga sa tirahan ng mga isda at laban sa mga malalaking alon na dulot ng mga bagyo.

Tugon naman ni Villar, kasama sa nailipat na P1 billion na pondo sa Protected Area Management Board (PAMB) ang para sa suporta at pagprotekta sa mangroves.

Facebook Comments