Cauayan City, Isabela- Agad na tumugon sa sitwasyon ng mga ivatan na estudyante ang isang Good Samaritan na pulis katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos magpamahagi ng food assistance sa mahigit 100 mag-aaral na nananatili sa Lungsod ng Tuguegarao.
Ayon kay Provincial Director PCOL. Ismael Atluna ng Batanes PPO, laking tuwa aniya ng mga estudyante na natugunan ang kanilang hinaing makaraan na manatili ng matagal sa kani-kanilang mga boarding house dulot ng nararanasang krisis.
Dagdag pa ng opisyal, hindi kinaikailangan na limitado lang ang pagtulong sa kapwa dahil batid nito na maraming nangangailangan ng tulong lalo pa’t walang katiyakan kung hanggang kailan mararanasan ang ganitong sitwasyon.
Karamihan sa mga nasabing estudyante ay apektado at hirap din na makatugon ang kanilang pamilya dahil ilan sa kanilang mga magulang ay turismo lang ang pinagkukunan ng kanilang pangangailangan na ngayon ay apektado ng krisis ng bansa.
Tiniyak naman PCOL. Atluna na magtutuloy-tuloy ang pagbibigay ng food assistance sa mga estudyante matapos itong makipag-ugnayan sa tanggapan ng DSWD.
Si. PCOL. Ismael Atluna ay bagong talagang Provincial Director ng Batanes Police Provincial Office na katutubong Ifugao.