Mahigit 100 milyong pisong halaga ng luxury cars, nasabat ng BOC

Manila, Philippines – Labing walong magagarang sasakyan na nagkakahalaga ng 107 milyong piso ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa hindi pagdeklara ng tamang halaga nito at bigong ipresenta ang mga dokumentong kailangan ng BIR.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, dumating sa Manila International Container Port ang kargamento sa magkahiwalay na petsa October 13 at 19 may kargang 12 units ng Toyota Land Cruisers, 3 units, ng Range Rovers, 2 units Chevrolet Camaro at isang unit ng McLaren na lahat ay mga bagong modelo.

Paliwanag ni Lapeña, lahat ng mga magagarang sasakyan ay mula sa Hongkong, United Arab Emirates at Amerika na nasuri sa International Container Terminal Services Inc. noong nakaraang October 23.


Dagdag pa ni Lapeña na nasabat ang mga luxury cars dahil sa bigo ang Gamma Gray Marketing ang Consignee na ipakita ang otoridad mula sa BIR para mailabas ang naturang mga magagarang sasakyan.

Giit ng opisyal, pinaiimbestigahan nito ang Customs broker at Consignee’s permit para mag import ng mga luxury para malaman ang kanilang layabilidad at paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act of 2016.

Facebook Comments