Cauayan City, Isabela- Narekober ng mga awtoridad ang tinatayang humigit kumulang na 3,800 boardfeet na iligal na pinutol na kahoy sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon ng mga operatiba kamakalawa.
Una rito,nakatanggap ng impormasyon ang kapulisan ng PNP Tumauini na may ibibiyaheng pinutol na kahoy sa isang forward truck na may plakang RFD 695 patungo sa Bayan ng Tumauini.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, agad silang nagsagawa ng operasyon sa kahabaan ng tulay na sakop ng Brgy. Arcon sa nasabing bayan na nagresulta naman sa pagkakakumpiska ng nasabing sasakyan na may lamang mga kahoy.
Hiningan ang mga suspek ng dokumento kaugnay sa ibibiyaheng mga kahoy pero bigo ang mga ito na magpresenta ng kahit anong dokumento kaya’t agad na inaresto ang mga ito na kinilalang sina Macario Baccay, 43 anyos, driver, may asawa, Domingo Aggabao Sr. 63 anyos, walang trabaho, may asawa, Florante Gumiran, 53 anyos, walang asawa, Ronald Domingo, 42 anyos,driver at Jay Ar Baccay, 24 anyos, binate at kapwa mga residente ng Brgy. Aggub, Cabagan, Isabela.
Ayon naman sa DENR Isabela, may kabuuang 180 piraso ng iba’t ibang uri ng kahoy na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit 150 libong piso.
Sinampahan na ang mga suspek ng kasong PD 705 o Forestry Reform Code of the Philippines.
Hinihikayat naman ang publiko na ipagbigay alam sa awtoridad ang mga kahina-hinalang nagbibiyahe ng iligal na pinutol na kahoy.
Photo Courtesy: PNP Tumauini
tags: 98.5 iFM Cauayan, 98.5 RMN, PNP Tumauini, *Macario Baccay,Domingo Aggabao Sr. , Florante Gumiran, Ronald Domingo, Jay Ar Baccay, Brgy. Aggub, Cabagan, Isabela, DENR Isabela, Cauayan City, Luzon