
Nakumpiska ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP – HPG) ang mahigit 18,000 blinkers, wang-wang, at modified mufflers sa isinagawang operasyon sa buong bansa.
Ayon kay HPG Director PBGen. Hansel Marantan, simula Setyembre 1 hanggang kahapon, Nobyembre 25, ay nasa kabuuang 17,426 na blinkers ang nakumpiska kung saan ito ay sinira ng ahensya sa ginanap na seremonya kahapon.
Habang nasa 875 na horns at sirens o wang-wang at 214 naman sa modified mufflers ang nakumpiska ng ahensya mula pa rin sa mga hindi awtorisadong sasakyan.
Ayon pa kay Marantan, panggugulang sa kalye ang paggamit ng mga nasabing blinkers at wang-wang kung kaya’t pinatatanggal nila ito para maging patas sa ibang mga sasakyan.
Dagdag pa ni Marantan, ayon sa batas, ang pwede lamang gumamit ng blinkers ay mga mobile cars, ambulansya, mga marked vehicles ng National Bureau of Investigation (NBI), at militar.
Kaugnay nito, patuloy na rin ang pagiimbestiga ng HPG sa mga nagbebenta ng nasabing mga blinker, wang-wang, at modified mufflers.
Samantala, kung mapapatunayan na nagbebenta at gumagamit ng mga nasabing ilegal na mga gamit ng sasakyan ay maaaring makumpisa sa first offense, 2nd offense ay magpepenalty at kung hindi pa rin sumunod ay magbibigay na ng 3rd offense kung saan anim na buwan na pagkakakulong ang mangyayari.









