Kinumpirma ni Manila Police District (MPD) Director Police Brigadier General Leo Francisco na tinanggal niya sa puwesto ang 240 tauhan ng District Traffic Enforcement Unit.
Ito ay yung mga matagal ng naka-assign sa nasabing unit kung saan ayon kay Gen. Francisco, ang mga pinagtatanggal niya ay pawang overstaying na sa posisyon.
Nasa lima hanggang 11 taon silang nakadestino at ang itinira na lamang niya ay ang hepe upang magtuluy-tuloy ang promosyon.
Sinabi ni Gen. Francisco na natuklasan niyang nasa duty lamang ang mga nasabing traffic police kapag rush hour o mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8:00 ng umaga, at kapag hapon mula alas-4:00 hanggang alas-8:00 ng gabi.
Aniya, pagkatapos ng rush hour ay hindi na sila mahagilap at hindi na rin nagsisibalik sa opisina.
Napalitan na lahat ang miyembro ng nasabing unit at nagtakda na rin siya ng panuntunan upang makatiyak na hindi makapandaraya sa oras ng duty ang bawat police.
Ang bawat pulis na itinalaga niya sa traffic ay kinakailangan magpakita sa headquarters ng MPD bago ang simula ng trabaho at magre-reoort naman sa station commander kung saan sila naka-assign kapag pauwi na habang mag-iikot naman ang ilang opisyal para masigurong nasa duty ang mga ito.
Napag-alaman pa ni Gen. Francisco na maraming pulis ang gustung-gusto na madestino sa traffic at iba sa kanila ay nagpapatulong pa sa mga kaibigan upang makabalik sa kanilang posisyon pero hindi na niya ito papayagan.