Idineploy na sa kani-kanilang mga bagong assignment ang 2,033 na mga pulis na nag-apply sa Localization Program ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang inihayag ni PNP Chief Camilo Cascolan na magreretiro na serbisyo mamayang hapon.
Aniya, ito na ang ikalawang Inter-Regional reassignment ng mga tauhan ng PNP na nangyari kung saan maa-assign sila sa kanilang mga “hometown” o kung saan sila permanenteng residente.
Batay na rin ito sa Section 63 ng RA8551 o ang PNP Reform and Reorganization Act of 1998.
Ayon kay Cascolan, 1:1 swapping ang ginawa kung saan papalitan din ang mga ililipat na pulis ng mga pulis na nais magpa-reassign sa mga lugar na kanilang iiwanan.
Ginawa niya itong prayoridad, upang mapataas ang morale ng mga pulis at maging mas epektibo sa kanilang trabaho.
Bago nito, unang nagsend-off ang PNP ng mahigit 2,000 na mga pulis nitong buwan ng Oktubre.
Naniniwala naman siya na hindi ito magiging disadvantage para sa darating na eleksyon dahil may nagmomonitor sa performance ng mga pulis kahit sila ay naka-assign sa kanilang hometown.