Mahigit 2,000 PDLs sa Bilibid, nakapagrehistro ngayong araw para sa 2025 national elections

Kinumpirma ng Bureau or Corrections (BuCor) na kabuuang 2,084 inmates mula sa New Bilibid Prisons (NBP) ang lumahok sa special satellite registration ng Commission on Elections (COMELEC).

Pinakamarami rito ay mula sa Maximum Security Compound na 1,879; 162 sa Medium Security Camp; 23 sa Minimum Security Compound; at 19 sa Reception Diagnostic Center (RDC).

Sabayang isinasagawa ang voters’ registration sa Leyte Regional Prison, Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City at Panabo, Davao City, Zamboanga Prison and Penal Farm, Davao Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm, Sablayan Prison and Penal Farm.


Ang mga bilanggo na wala pang pinal na conviction o hatol ang kuwalipikadong magparehistro para makaboto sa eleksyon.

Ito ang unang pagkakataon na nagdaos ang COMELEC ng satellite registration sa Bilibid matapos na bawiin ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order (TRO) laban sa resolusyon ng COMELEC na naglalatag sa mga panuntunan sa pagpapatala at pagboto ng mga bilanggo.

Facebook Comments