Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sa pamamagitan ng mga ikinabit na camera sa lansangan ay kaagad na matutukoy ang mga motoristang lumalabag sa traffic rules and regulations.
Sa harap ng NCAP ordinance, kailangang sumunod sa itinakdang speed limit ang mga motoristang bumibiyahe sa mga lansangan sa lungsod kahit sa mga oras na maluwag ang lansangan dahil matutukoy pa rin ng ikinabit na camera ang mga lalabag sa batas trapiko.
Kaagad namang papasok sa kanilang system at sa tulong ng Land Transportation (LTO) ay malalaman ang mga impormasyon tungkol sa may-ari ng mga sasakyang sangkot sa may ginawang paglabag.
Sa loob ng sampung araw, kinakailangan mabayaran ng violators ang penalty o multa sa LTO o anumang bayad center matapos matanggap ang Notice of Violation.
Sa hindi pagbabayad sa itinakdang sampung araw, madaragdagan ang kanilang multa at maaaring hindi makapagrenew ng lisensya o rehistro ng sasakyan.
Sa kasalukuyan, mahigit sa 2,000 na ang naitalang violators ng NCAP mula sa magkakaibang paglabag.
Ayon pa sa opisyal, saklaw rin ng ordinansa ang mga traffic rule and regulations tulad ng Counterflow driving, hindi pagsunod sa mga traffic control signals and signs, pedestrian lane violations at yellow box violation.
Nauna nang nagsagawa ng information campaign ang kanilang tanggapan sa mga grupo ng tsuper, ahensya ng gobyerno at iba pang stakeholders kung saan mahigpit nilang panawagan ang pagpapatupad ng naturang ordinansa.