Walang kahirap-hirap na nakopo ng Pharmally Pharmaceuticals Corporation ang malaking bahagi ng P42 bilyong kontrata sa Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM).
Ibinatay ito ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa dokumento buhat sa DBM na nagsasabing sa 45 suppliers, nakopo ng Pharmally ang 26.39 porsiyento na kabilang sa P42 bilyon na inilipat ng Department of Health (DOH) sa PS-DBM.
Nagtataka rin si Lacson sa pagbili ng mga maluluhong sasakyan ng mga opisyal ng Pharmally matapos na makopo ang nabanggit na kontrata.
Ayon kay Lacson, ang ibang negosyanteng kumita sa unang pagkakataon ay pinapagulong ang kinita upang madagdagan ang puhunan na taliwas aniya sa ginawa ng mga taga-Pharmally.
Inungkat din ni Lacson ang Tigerphil Marketing Corporation na pinanggalingan ng face masks ng Pharmally at kung paano ito nakabenta ng P21.51 milyon sa Pharmally nitong 2020 gayung ang audited financial statement para sa 2020 ay P3.479 milyon lamang.
Matapos nito ay inamin ni Tigerphil President Albert Sy na nagbayad sila ng P553,886.88 na amended tax returns nitong Biyernes lamang matapos simulant ng Senado ang pagdinig.