Nadagdagan pa ang bilang ng mga naapektuhan ng pananalasa ng nagdaang Bagyong Paeng.
Sa datos National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) lumobo pa sa 966,824 pamilya o katumbas ng 3,323,188 na mga indibidwal ang naapektuhan ng hagupit ng Bagyong Paeng.
Ang mga nabanggit na indibidwal ay mula sa mahigit 7,000 barangay sa Regions 1, 2, 3, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon (CALABARZON), Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, at Palawan (MIMAROPA), Regions 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12, CARAGA, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Samantala, kasabay nang patuloy na pagganda ng panahon, unti -unti nang nagsipag- uwian ang mga bakwit sa kanilang mga tahanan.
Mula kasi sa mahigit 50,000 pamilya ay nasa 45,841 mga pamilya o katumbas ng 165,688 na mga indibidwal ang pansamantalang sumisilong sa mahigit 2,000 evacuation centers sa nabanggit na mga rehiyon.
Sa ngayon, lubog pa rin sa baha ang nasa 481 na mga lugar kung saan ang pinaka marami ay mula sa Region 2.