Mahigit 30 Kilo ng Karne ng Baboy, Nakumpiska sa Lungsod ng Cauayan!

Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa 33 kilo ng karne ng baboy ang nakumpiska ng City Veterinary Office sa Lungsod ng Cauayan kaninang madaling araw.

Alas 3:00 kaninang madaling araw nang magtungo ang mga tauhan ng nasabing tanggapan sa PNP Cauayan upang makipag ugnayan hinggil sa mga nakumpiskang mga karne ng baboy.

Nakumpiska ang mga ito sa pag-iingat ni Benjamin Dela Cruz ng Turayong, Cauayan City, Isabela.


Ayon sa City Veterinary Office, hindi umano dumaan sa kanilang inspeksyon ang mga nakumpiskang mga karne ng baboy at ito’y paglabag sa RA 9296 o Meat Inspection Code of the Philippines.

Lahat din umano ng mga karne na hindi kinatay sa slaughter house sa Lungsod ng Cauayan ay kanilang huhulihin maging sa mga pumapasok na karne na hindi dumaan sa pagsisiyasat at tamang proseso.

Nananawagan naman ang nasabing tanggapan sa mga negosyante na idaan sa tamang proseso ang pagpasok ng karne lalo at hindi pa humuhupa ang African Swine Fever (ASF).

Nakatakdang idispose ngayong araw ang mga nakumpiskang karne ng baboy.

Facebook Comments