Umaabot na sa 30,284 PCSO gaming outlets na nagooperate ng small town lottery, Lotto, Keno at Peryahan ng Bayan sa buong bansa ang naipasara na ng Philippine National Police.
Ito ay kasunod ng direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara na ang lahat ng gaming activities na ino-operate ng PCSO dahil sa umano’y talamak na korapsyon.
Ayon kay PNP Chief Police Gen. Oscar Albayalde, agad siyang nagpalabas ng hiwalay na direktiba sa mga PNP Regional Directors upang ipasara ang mga sugal na ino-operate ng PCSO.
Pero nilinaw ni Albayalde na ang kabuuang mahigit 30,000 na mga naipasarang PCSO gaming outlets ay hindi kabuuang bilang ng mga PCSO franchises, sa halip ito lamang ay kanilang naipasara.
Bukod sa kampanya kontra sugal, paiigtingin din ng PNP ang kanilang law enforcement and public operations lalo na ang paghuli sa mga wanted persons, pagtutok sa mga street crimes at illegal drug operations.