Cauayan City, Isabela- Tinatayang aabot sa mahigit 400 na swab test results ang hinihintay ngayon ng pamahalaang panlungsod ng Ilagan matapos ang isinagawang mass testing sa mga residente ng barangay na isinailalim sa lockdown.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng City of Ilagan, malaki aniya ang posibilidad na madadagdagan pa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod dahil na rin sa pagkakaroon ng Community Transmission.
Minabuti nang isailalim sa mass testing ang mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 kung saan umabot sa higit 400 ang nakuhanan ng swab specimen sample na ipinadala sa CVMC at Baguio General Hospital para masuri sa COVID-19.
Sa kasalukuyan ay mayroon kanya-kanyang binabantayang checkpoints ang 91 barangay sa Lungsod bilang bahagi na rin ng pinahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols.
Nananawagan naman ito sa mga Ilagueño na sumunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols, sa mga ibinabang kautusan gaya ng liqour ban at manatili lamang sa loob ng tahanan kung kinakailangan.