Cauayan City, Isabela- Umakyat na sa 434 na pamilya mula sa 13 bayan ang inisyal na apektado ngayon ng manalasa ang Bagyong Pepito sa ilang lugar sa lambak ng Cagayan.
Ayon kay Information Officer Vanessa Diane Nolasco ng Disaster Division ng DSWD Region 2, mayroong kabuuang 1,460 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.
Kinabibilangan ito ng mga bayan ng Rizal sa Cagayan;Maconacon, Benito Soliven, San Mariano, Cabatuan, Cordon, Dinapigue, Aurora at San Guillermo sa Isabela; Dupax Del Norte at Quezon sa Nueva Vizcaya;Aglipay at Maddela sa lalawigan ng Quirino.
Dagdag pa ni Nolasco, may nakahanda ng mahigit 16,000 foodpacks ang inaasahang ipapamigay sa mga apektadong pamilya.
Paliwanag nito, mayroong 25 evacuation center sa iba’t ibang lugar sa rehiyon ang bukas sa ngayon at 295 families o 935 indibidwal ang kasalukuyang nananatili habang hindi pa humuhupa ang baha bunsod ng pag-uulan.
Bagama’t hindi masyadong napinsala ang ilang pamilya ay isinama rin ang ilang itinuturing na adopted families ng ahensya mula sa 12 pamilya o katumbas ng 54 indibidwal.
Iginiit din ni Nolasco na patuloy ang kanilang pagrerepack ng foodpacks para sa inaasahang dagdag na bilang ng mga apektadong pamilya.
Kasalukuyan pa rin ang koordinasyon ng ahensya sa mga local government unit (LGU) para sa iba pang maitatalang apektado ng bagyo.