Aabot na sa mahigit 450,000 na mga repatriated Filipino ang napauwi sa Pilipinas sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs, iniulat ni Jose Cabrera ng DFA-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, na mula noong January 2020 hanggang January 2022 o sa loob ng dalawang taon, nasa 456,230 na mga Pinoy ang nakauwi na sa Pilipinas sa kasagsagan ng pandemya.
Hindi pa aniya kasama sa bilang na ito ang mga Pilipinong napauwi sa bansa sa tulong ng ibang mga ahensya ng pamahalaan.
Sa datos, 350,611 dito ang land-based at 105,619 ang sea-based.
Pinakamarami naman ang napauwi noong 2020 na nasa higit 327,000 habang higit 128,000 naman noong 2021 at ngayong 2022 ay nasa 507.
Dagdag ni Cabrera, tuloy-tuloy pa rin ang programa ng DFA kung saan mula Pebrero hanggang Abril ngayong taon ay marami pang distressed o stranded na mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang uuwi ng Pilipinas.