Inaasahang matatapyasan ng 56.95% ang kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ngayong taon dulot pa rin ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa budget presentation ng PAGCOR para sa 2021 national budget, tinatayang aabot sa P46.69 billion ang mawawalang kita sa ahensya pagkatapos ng taon.
Batay sa total income estimate para sa taong 2020, aabot lamang sa P35.29 billion ang malilikom na kita ng PAGCOR higit kalahati rin ang ibinawas sa P81.97 billion na total income noong 2019.
Mula January hanggang July 2020 ay nasa P20 billion pa lamang ang na-generate na kita ng PAGCOR.
Dahil dito, inilalatag na ng PAGCOR ang mga hakbang para maibalik muli ang tiwala at kumpyansa ng mga players na mag-casino gayundin ay maitaas ang kita ng ahensya sa 2021.
Kabilang pa sa mga paghahanda ay pagsasailalim sa mga empleyado at mga officer ng PAGCOR sa pag-adopt sa “new normal”, paglalagay ng mga kagamitan para matiyak ang safety protocols, pagsuporta sa mga pangunahing programang pangkalusugan na isusulong ng pamahalaan, pagpapahusay sa produkto, serbisyo at operational efficiency, gayundin ang pagsusulong ng “responsible gaming” sa mga player sa gitna ng pandemic.
Target ng PAGCOR na maitaas sa P53 billion ang income sa 2021.