Cauayan City, Isabela – Nakatakdang lalaya ng bilangguan ang mahigit limampung Persons Deprived of Liberty (PDL) ng BJMP Cauayan City District Jail bago sumapit ang pasko ngayong taon.
Sa panayam ng RMN Cauayan sa programang Straight to the Point, kay Jail Chief Insp. Romeo Villante Jr, sinabi niya na makakalaya ang mahigit 50 na PDL ng BJMP Cauayan City matapos iakyat sa korte ang mga kaso at natapos na ang pagpuno sa kanilang sintensya kung saan ang ilan umano sa mga ito ay sangkot sa ilegal na droga.
Niliwanag pa ni Jail Warden Villante Jr. na ang mga nabanggit na bilanggo ay hindi na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot matapos ang ilang drug test na isinagawa sa mga PDL.
Kaugnay nito ay inaasahan naman ang pagluwag ng bilangguan dahil sa nakatakdang paglaya ng mahigit 50 na PDL sa BJMP Cauayan City.
Samantala, matatapos na sa taong 2019 ang konstruksyon ng apat na palapag ng bagong gusali ng BJMP Cauayan City kung saan ay ililipat dito ang mga PDL.