*Cauayan City, Isabela*- Target na mabigyan ng ayuda ang nasa kabuuang 586,675 na beneficiaries sa buong Lambak ng Cagayan sa ilalim ng Social Amelioration Program ng Pamahalaan upang makatulong sa kani-kanilang pang araw-araw na gastusin bunsod ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Ayon kay Regional Information Officer Chester Trinidad ng DSWD Region 2, nagsimula ng ipamahagi ang ilang tulong pinansyal sa ilang bayan sa Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.
Giit pa ni Ginoong Trinidad na kapag natanggap ng Local Government Unit ang pondo ay kinakailangang ipamahagi agad sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng nasabing programa.
Paglilinaw pa nito na una ng nakatanggap ang nasa 106,122 na benepisyaryo ng 4Ps dahil otomatiko ng naitransfer sa kani-kanilang bank account ang tulong pinansyal.
Binigyang-diin pa ni Ginoong Trinidad na hindi maaaring makatanggap ng nasabing pinansyal ang mga elected at appointed officials maging ang mga empleyado na job order, contractual, permanent, co-terminus subalit ang mga volunteer ng mga LGUs ay kinokonsidera na mabigyan ng ayuda dahil sa wala naman silang natatanggap na regular na sahod mula dito.
Hiling ngayon ng pamunuan ng DSWD na makipag ugnayan sa mga social worker sa mga LGUs para mabigyan ng tamang impormasyon ukol sa mabebenepisyuhan ng nasabing programa ng gobyerno.