Nanindigan si Quezon City Councilor Franz Pumaren na naging maayos ang koordinasyon nila sa pamunuan ng Barangay Old Balara kaugnay ng isinagawang community pantry sa lugar.
Kasunod ito ng ulat na nagkaroon ng paglabag sa health protocols nang ilunsad ang community pantry.
Ayon sa konsehal, naglabas na ng report ang Quezon City Police District (QCPD) kung saan nakasaad na mahigpit na naitupad ang mga health protocol sa pila.
“E prior to that incident nung Tuesday, e Friday, Saturday, Sunday sa malalaking barangay po ako wala pong insidenteng ganon,” ani Pumaren.
“Eto nga po, dahil umulan, nung nawala yung ulan, nagbalikan, nag-agawan ng pila. Pero kagaya po ng report ng ating Quezon City Police District, panandalian lang po yun pero na-restore yung tamang pila,” paliwanag niya.
Samantala, ayon naman kay Barangay Old Balara Chairman Allan Franza, huli na nang maabisuhan sila hinggil sa isasagawang community pantry.
“Totoo po na meron silang sinubmit na sulat ngunit isinubmit po nila nung araw mismo ng kanilang activity at hindi rin naman nabanggit doon na sila ay namigay ng 6,000 stub.”
Mahigit 600 na mula sa 6,000 pumila sa community pantry ang nagtungo sa Barangay Old Balara para magpa-swab test.