
Inanunsyo ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na naglaan ang ahensiya ng ₱24 million para sa 2025 Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons o RRPTP para sa mga biktima ng human trafficking.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sa unang quarter pa lamang ngayong taon ay nakapagtala na ng 813 victims ng human trafficking na natulungan ng DSWD.
Paliwanag pa ni Asec. Dumlao, ang human trafficking umano ay isang heinous crime at karaniwang biktima nito ay ang mga mahihirap at bulnerable nating mga kababayan.
Aniya, bagama’t isinusulong ng DSWD ang kampanya upang wakasan ang human trafficking, pero kanila ring pinaghahandaan na mabigyan ng sapat na tulong ang mga biktima sa pamamagitan ng RRPTP program ng ahensiya.
Ang DSWD RRPTP ay para masiguro na may sapat na serbisyo upang marekober at maibalik ang mga biktima ng human trafficking-survivors sa kanilang pamilya at komunidad.
Giit pa ni Dumlao na sa ilalim ng RRPTP ay mayroon umanong economic reintegration services ang ahensiya kung saan nagbibigay sila ng financial and non-material assistance para magkaroon ang mga biktima ng economic independence at i-build up ang kanilang tiwala sa sarili.
Dagdag pa ng opisyal na hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na nag-uugat sa kagustuhang mapaunlad ang kabuhayan ang pangunahing dahilan kung bakit may mga nabibiktima ng human trafficking.









