Nasabat ng mga awtoridad ang 300 gramo na umano’y shabu na may katumbas na halagang P2,040,000, matapos isagawa ang buy-bust operation pasado alas-11:50 kagabi, July 02, 2020.
Nakilala ang mga suspek na sina Tarhata Abdulrahman Abdullah, 41-anyos, residente ng Taguig City at Joyce Rio Mercado Lusung, 18-Anyos, taga-San Pedro City, Laguna.
Maliban sa iligal na droga, narekober din ng mga pulis ang P48,000 na perang ginamit bilang buy-bust money at P40,000 na drug money.
Nakuha rin mula sa mga suspek ang isang cellphone na maaaring naglalaman ng mga contact number ng mga parokyano ng mga suspek at pinagkukunan nila ng iligal na droga.
Sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ni Abdullah sa Manuel L. Quezon St., Brgy. Lower Bicutan, Taguig City, matapos makumpirma ang iligal na transaksyon nito kaugnay sa ipinagbabawal na droga.
Nakakulong na ang mga suspek sa Taguig City Philippine National Police (PNP) Custodial Facility at nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.