Monday, March 23, 2026

MAHIGIT P26,000 HALAGA NG SHABU, NASAMSAM SA HIWALAY NA OPERASYON SA BAYAMBANG

Aabot sa mahigit P26,000 halaga ng pinaniniwalaang iligal na droga ang nakumpiska ng pulisya sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operations na isinagawa noong Marso 20, 2026, na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek sa Bayambang.

Sa unang operasyon bandang 12:30 ng tanghali sa Purok 6, Barangay Managos, nagtulungan ang mga tauhan ng Bayambang Municipal Police Station at PDEA Regional Office 1 upang isagawa ang buy-bust operation laban sa ilegal na droga. Dalawang suspek—isang lalaki at isang babae—ang naaresto matapos bentahan ng umano’y “shabu” ang isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer.

Matapos ang pag-aresto, nakumpiska mula sa lalaking suspek ang P500 buy-bust money at isang karagdagang sachet ng hinihinalang shabu. Isang sachet naman ng kaparehong substansiya ang narekober mula sa babaeng suspek. Tinatayang may kabuuang bigat na 3 gramo ang nasamsam na droga na nagkakahalaga ng P20,400.

Samantala, sa ikalawang operasyon bandang 8:10 ng gabi sa Purok 3, Barangay Pugo, isang lalaki ang inaresto matapos mahuling nagbebenta rin ng hinihinalang shabu sa poseur buyer.

Narekober mula sa suspek ang P500 buy-bust money at isa pang sachet ng pinaniniwalaang shabu. Ang kabuuang bigat ng nakumpiskang ebidensya ay tinatayang 1 gramo na may halagang P6,800.

Ang lahat ng suspek ay haharap sa kasong paglabag sa Seksyon 5 (illegal sale of dangerous drugs) at Seksyon 11 (possession of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kasalukuyan nang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsusumite ng kaso sa tanggapan ng piskalya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments