
Nakumpiska ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kasama ng mga representatives mula sa Department of Trade and Industry (DTI) sa bisa ng search warrant ang nasa mahigit P5 milyong halaga ng illicit foam at mattress sa isang warehouse sa Brgy. Sta. Maria Minalin, Pampanga.
Kung saan dalawang Chinese Nationals na may alyas na “ Shao” at “Lin” , may-ari at manager ng nasabing niraid na warehouse ang naaresto.
Ayon sa ulat ng pulisya, nahuli ang mga nasabing suspek habang nagbebenta at nagtitrade ng mga foam at mattress na hindi alinsunod sa minimum labeling requirements at standards for consumer products ng DTI.
Dahil dito, nakumpiska sa lugar ang nasa kabuuang 1,956 na piraso ng assorted foam at mattress.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 7394 o Consumer Act of the Philippines ang nasabing mga naarestong indibidwal.










