
Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 3, kasama ang territorial police unit, ang umano’y substandard na mga desktop at laptop computer units sa isang warehouse sa Barangay Salapungan, Angeles City, Pampanga.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 239 units ng assorted laptop computers, 163 computer processing units (CPUs), 141 desktop monitors, at dalawang computer sets na ginagamit sa transaksyon.
Ang mga nakumpiskang computer ay tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon.
Naaresto rin ang dalawang babaeng empleyado ng naturang warehouse matapos mahuling nagbebenta ng mga unit na hindi kwalipikado sa minimum labeling requirements para sa consumer products na itinatakda ng batas.
Napag-alaman din na ang mga label na nakadikit sa mga nakuhang computer ay hindi rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI).
Kaugnay nito, nahaharap ang mga naarestong indibidwal sa kasong paglabag sa Article 77 ng Republic Act No. 7394.










