Cauayan City, Isabela- Mahigpit na pinapairal sa Lungsod ng Tuguegarao ang pagpapatupad sa health protocols kasabay ng pagpapalawig ng Enhanced Community Quarantine sa siyudad.
Araw ng Linggo, Agosto 22, 2021 nang magsimula ang 10-day na extension ng ECQ sa siyudad kung saan may mga panuntunan ang mahigpit na pinaiiral upang makontrol ang pagkalat at paglala ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod.
Sa ilalim ng Executive Order No. 87 na inilabas ni City Mayor Jefferson Soriano, nakasaad dito ang ilang panuntunan tulad ng mga sumusunod:
– Ang pagpasok ng mga hindi residente ng Tuguegarao City ay limitado lamang para sa basic needs at emergency needs.
– Ang lahat ng mga nagtatrabaho sa lungsod ay kailangang magpakita ng VALID COMPANY ID. Kalakip nito ay ang bagong panuntunan na kailangang magpakita ang mga empleyado sa gobyerno at pribadong sector ng sertipikasyon mula sa pamunuan ng kanilang opisina na sila ay bahagi sa 10% work force na pinapayagang pumasok sa kanilang opisina.
– Sa mga galing sa ibat-ibang bayan sa probinsiya ng Cagayan, kailangan magpakita ng TRAVEL PASS na naghahayag na ang travel ay mahalaga. Kailangan din ng HEALTH DECLARATION mula sa pinanggalingang LGU na ang mga papasok sa siyudad ay hindi PUI, PUM at suspected cases.
– Sa lahat ng galing sa labas ng Cagayan, kailangan ng NEGATIVE ANTIGEN RESULT na naisagawa sa ilalim ng 72 hours bago pumasok sa siyudad. Kailangan din ng health declaration na nagsasaad na ang paglalakbay sa lungsod ay mahalaga. Kasama din dito ang pag-register sa Online Checkpoint Registration at s-pass.ph
– Sa mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) na may official business sa siyudad, kinakailangang magpresinta ng valid ID, travel authority, at itinerary.
Nagbabala na rin ang City Government ng Cagayan kaugnay sa paggamit ng COVID SHIELD CONTROL PASS/RESIDENT’S PASS sa 10 araw na ECQ na kailangang may kalakip na sertipikasyon na manggagaling sa Barangay upang maberipika na ang may hawak ng pass ay ang lehitimong nabigyan ng awtorisasyon na gamitin ito.
Ang iba pang mga Covid Shield Control Pass naman ng mga seller, employer, online seller at iba pang may mga business at Negosyo ay dapat din may kalakip na kopya ng Mayor’s Permit o anumang pruweba na sila ang nagmamay-ari ng Negosyo.
Kaugnay nito, nakikiusap ang lokal na pamahalaan na sumunod ang lahat sa mga protocols upang maibaba na nang tuluyan ang lumo-lobong kaso ng Covid-19 sa Lungsod.