Manila, Philippines – Upang maresolba ang problema sa maruming tubig sa Manila Bay, mahigpit na ipatutupad ng Department of Environment and Natural Resource o DENR ang Clean Water Act.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, sa ilalim nito, ang mga establisyemento ay minamanduhan na magtayo ng kanilang sariling sewage treatment plants upang hindi na direktang padaluyin ang kanilang wastewater sa Manila bay.
Sa ngayon ay tinitingnan ng DENR at ng labin-dalawang ahensya kung saan nanggagaling ang maruming tubig na napupunta sa Manila Bay.
Una nang nagsagawa ng ocular inspection si Cimatu sa Estero de San Antonio de Abad sa Malate, Manila kung saan nadiskubre ang direktang pagtatapon ng mga establisyemento ng kanilang maruming tubig sa Manila Bay.
Isinunod naman dito ang Parañaque at Don Galo Rivers na parehong patungo ang tubig sa Manila Bay at nadiskubre ang mataas ng fecal coliform level ng tubig sa mga ito.
Tatlong bahagi ang gagawing rehabilitasyon sa Manila Bay kung saan ay sisimulan ito sa “Water Quality Improvement” susundan ng rehabilitation at ang pangatlo ay ang protection at sustainment.