Nakalusot na rin sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukala na nagpapalawig sa mga ipinagbabawal na uri ng diskriminasyon sa mga kababaihan.
Sa botong 226 at wala namang pagtutol ay naaprubahan na sa plenaryo ang House Bill 7722 na layong amyendahan ang Presidential Decree 442 o ang Labor Code of the Philippines.
Layunin ng panukala na i-criminalize ang mga discriminatory acts laban sa mga kababaihan.
Kabilang sa mga ituturing na ring acts of discrimination sa ilalim ng panukala ay ang pag-pabor sa mga lalaking empleyado kumpara sa mga kababaihan pagdating sa assignment, promotion, training opportunities, pag-aaral at scholarship grants.
Dagdag pa rito, ang pagpabor sa lalaking empleyado kumpara sa mga kababaihan pagdating naman sa dismissal of personnel o application sa retrenchment policy gayundin ang pagtanggi na ibigay ang employment benefits at iba pang statutory benefits dahil lamang sa kanilang kasarian.
Ipinagbabawal din sa panukala ang pag-discharge o pagtanggal sa trabaho ng isang babae dahil sa pagbubuntis habang siya ay naka-leave o kaya’y naka-confine dahil sa pagdadalang tao.
Sa oras na maging ganap na batas, ang employer o sinumang kasabwat na mapatutunayang lumabag ay papatawan ng multang P50,000 hanggang P200,000 o kaya’y pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi hihigit ng dalawang taon.