Manila, Philippines – Tugma ang position ng mga senador sa resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na 61 percent ng mga Pilipino ay tutol na magkaroon ng same sex marriage sa Pilipinas.
Ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri, dadaan sa butas ng karayom ang panukala dahil siya at karamihan ng mga kasamahan niya sa Senado ay tutol dito dahil salungat sa kanilang personal at religious beliefs.
Para naman kay Senador JV Ejercito, malaking factor ang resulta ng survey sa kanilang pagpapasya dahil sila ay sensitibo sa pulso ng mamamayan.
Diin naman ni Senador Sonny Angara, malaki ang papel na gagampanan ng opinyon ng publiko ukol sa same sex marriage gayundin ang pagiging malapit ng ibang senador sa ilang religious groups.
Tinukoy naman ni Senadora Cynthia Villar ang pagiging katolikong bansa ng Pilipinas at pagiging konserbatibo ng mga Pilipino kaya mahihirapang makalusot ang panukalang same sex marriage.
Sa tingin naman ni Senador Koko Pimentel, dapat ipaliwanag na mabuti kung ano ang laman at layunin ng panukala.
Naniniwala naman si Senador Kiko Pangilinan na mas malaki ang tsansang maisabatas ang panukalang civil union ng magkaparehong kasarian sa halip na kasal.