Asahan na umano na magkaroon ng paggalaw sa singilin sa konsumo ng tubig sa pagpasok ng 2023 bunsod ng patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.
Ayon kay Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Chief Regulator Patrick Lester Ty, magkakaroon ng epekto sa pagkwenta sa ipatutupad na water rates ang ginawa nilang pagtanggal sa Foreign Currency Differential Adjustment o FCDA sa water bill ng mga customer ng Manila Water Company Inc., at Maynilad Water Services, Inc.
Asahan na aniyang ihihirit ng water concessionaires ang bigat ng binabayaran nilang interes sa mga foreign currency-denominated loans.
Ang mga utang na ito ay ginamit sa expansion projects at sa operating expenses ng dalawang
water concessionaires.
Kung magpapatuloy ang sitwasyon, maisasama sa kwentahan ng water rates sa pagpasok ng January 1, 2023 ang magiging palitan ng piso kontra dolyar.
Nagsara ang piso kahapon sa P58.99 na maituturing na pinakamababa sa kasaysayan.