Manila, Philippines – Maibabalik na sa dating 27 pesos at 32 pesos per kilo ang presyo ng NFA rice sa mga pamilihan sa Metro Manila sa sandaling dumating na sa katapusan ng Mayo ang aangkating bigas galing Vietnam at Thailand.
Kasunod ito ng pagtanggap ng National Food Authority sa alok na presyo ng Vietnam at Thailand para sa 250,000 na metriko tonelada ng bigas para mapunan ang nasaid na buffer stocks ng ahensya.
Ayon kay NFA spokesperson Rex Estoperez, alinsunod sa Term Of Reference ng gagawing importation, ang mga lugar na direktang pagdadalhan ng imported na bigas ay sa Poro point sa La Union, Subic, Batangas, Tabaco, Iloilo, Bacolod, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Cagayan De Oro, Davao, General Santos, Surigao at Metro Manila.
Asahan aniya na lahat ng lugar ay mapapadalhan ng suplay ng NFA rice sa pagpasok ng susunod na buwan.
Magsusuplay ang Vietnam 80,000 MT na bigas habang 120,00 MT ang Thailand na parehong nag alok 517 Dollars per MT na pasok sa reference price na inilatag ng NFA na 520 Dollars per metric tons na mas mataas na sa unang alok ng NFA na 474.18
Tamang tama ang dating ng imported na bigas sa pagpasok ng panahon ng lean months mula July hanggang September kung saan kakaunti ang aning palay.