Cauayan City, Isabela – Dinagsa ng mga manggagawa ng gobyerno, pribadong empleyado at maraming indibidwal ang unang araw ng pagbubukas ng trabaho sa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ.
Ito ang naging senaryo sa paglilibot ng news team ng 98.5 iFM Cauayan kaninang umaga.
Nagkaroon ng build up ng traffic at relatibong pagsisikip ang ilang mga pangunahing lansangan ng lungsod ng Cauayan.
Gayunpaman, naging kapansin-pansin ang stickers sa mga tricycles na “NO FACE MASK, NO RIDE”.
Kahit bahagyang naghigpit ang ilang malls dahil sa ilang panuntunan ay marami parin ang dumagsa dito na tila nasabik ang mga taong lumabas mula sa mahaba habang pananatili sa loob ng kanilang mga bahay dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa kabila ng mga ito, tiniyak ng pamunuan ng mga mall ang kanilang kahandaan sa mga ganitong sitwasyon kasabay ng paniniguro na mahigpit nilang ipapatupad ang mga tamang protocols alinsunod sa inilabas ng panuntunan ng pamahalaan.
Sa mga pangunahing checkpoints, nakatutok pa rin ang pinagsanib na puwersa ng kapulisan, BFP, Health workers at ilan pang bumubuo sa Cauayan City COVID 19 Task force.
Mayroon ding umiikot sa mga pangunahing establisyimento gamit ang paging system para ipaalala sa mga tao ang tamang physical o social distancing.
Ito ay para matiyak at masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng mamamayan.
Samantala, may proyekto din ang Brgy District 2, Cauayan City na pagbibigay ng libreng disinfectant sa mga tricycle drivers at nakatakdang magsisimula ito bukas.