Nangako si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., na magtutuloy-tuloy ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Kasunod nito, pinapurihan ng PNP Chief ang major anti-drug operations ng pulisya kung saan nakumpiska ang milyong pisong halaga ng iligal na droga.
Ayon kay Azurin, matagumpay na napigilan ng pulisya ang malaking transaksyon ng droga na maaaring sumira sa maraming buhay ng mga Pilipino.
Inihalimbawa ng heneral ang pagkakalambat sa dalawang Chinese nationals na kinilalang sina Wenjie Chen at Hsu Lien Shui kung saan nakuha sa kanila ang 60 kilo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P400 milyon.
Sa hiwalay namang operasyon sa Bacolod City, naaresto ang drug suspect na kinilalang si Marcial delos Santos Jr., at nakumpiska sa kanya ang mahigit P1 milyong halaga ng iligal na droga.
Kasunod nito, tiniyak ni Azurin na mananaig ang batas at karapatang-pantao sa paghabol nila sa mga kriminal lalo na sa kampanya kontra iligal na droga.