Inamin ng ilang mga myembro sa Liberal Party at sa Makabayan na sinusuyo sila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco para makuha ang kanilang boto sa Speakership race.
Ito ay matapos lumutang na hindi solido sa kanyang kandidatura para sa Speakership ang kinaaniban nitong PDP-Laban na may 84 miyembro matapos na magcross partylines ang ilan para suportahan naman ang kandidatura ni Taguig Rep Alan Peter Cayetano na mula sa Nacionalista Party.
Ayon kay Caloocan Rep. Edgar Erice, kinausap sila ni Velasco para hikayatin na sumama sa mayorya at isa sa posibleng ibigay sa kanila ay mga Committee Chairmanship para sa kanilang mga senior members.
Inamin ni Erice na hanggang sa ngayon ay wala pang desisyon ang kanilang partido sa Kamara sa kung sino ang susuportahang Speaker.
Kinumpirma ng Makabayan Bloc na kinausap din sila ni Velasco bagamat hindi naman isinapubliko ang mga pangako nito sa kanila maliban sa luluwagan ang oras ng mga ito sa debate.
Ang Partylist Coalition Foundation Inc(PCFI) na may 54 miyembro ay naunang napabalitang inaawitan din ni Velasco kung saan isa sa hinihiling ng koalisyon sa susuportahan nilang Speaker ay makuha muli ang 32 pwesto sa Kamara na kanilang hawak sa nakaraang 17th Congress.