Makabayan bloc, kumbinsidong may basehan para maharap sa impeachment si PBBM

Binigyang-diin ng Makabayan bloc sa Kamara na may basehan para ipa-impeach si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Ayon sa mga bumubuo ng Makabayan Bloc na sina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elago at Renee Co, maaaring batayan ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos ang malawakan at sistematikong pandarambong sa pambansang pondo.

Kasamang tinukoy ni Tinio, Elago at Co ang unprogrammed appropriations at alegasyon na may kickbak ang Palasyo mula sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Pahayag ito ng Makabayan bloc makaraang sabihin ni Senior Deputy Minority Leader Rep. Edgar Erice na pinaplano ng ilang mambabatas na magsulong ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos Jr.

Binanggit naman ng Makabayan bloc na sa ngayon ay wala pa silang nakukuhang impormasyon na mayroon nang inisyatibo sa Kamara para ipa-impeach si PBBM.

Sa ngayon ay pinaghahandaan ng Makabayan bloc ang muling paghahain ng impeachment complaint sa susunod na buwan laban kay Vice President Sara Duterte.

Facebook Comments