Makabayan Bloc, tinawag na chief architect ng korapsyon si PBBM

Binigyang-diin ng Makabayan Bloc na lumalabas ngayon na si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. mismo ang chief architect ng korapsyon sa gobyerno.

Sinabi ito nina Representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list, Renee Louise Co ng Kabataan Party-list, at Sarah Jane Elago ng Gabriela Women’s Party, matapos isiwalat ni dating Congressman Elizaldy Co na iniutos ni PBBM na magpasok siya ng P100 bilyong halaga ng proyekto sa 2025 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Bunsod nito, hinihiling ng Makabayan Bloc na agad isailalim sa isang independent investigation ang papel ni Pangulong Marcos sa P100 bilyong budget insertions at ang pag-apruba nito sa unprogrammed fund releases.

Kasama din anila sa dapat imbestigahan sina dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, at Undersecretary Adrian Bersamin.

Nais din ng Makabayan Bloc na isapubliko ang lahat ng budget insertions at unprogrammed appropriations sa taunang budget sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Giit ng Makabayan Bloc, dapat siyasatin kung magkano ang kickback at mga komisyon na napunta kay Marcos at sa iba pang mga opisyal mula sa mga proyektong pang-imprastruktura.

Facebook Comments