Makabayan, pinasisilip sa Kamara ang patuloy na pagtangkilik ng pamahalaan sa mga imported na PPEs

Pinaiimbestigahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang patuloy na pagtangkilik ng pamahalaan sa mga imported na Personal Protective Equipment (PPEs) sa halip na lokal na gawa sa bansa.

Sa House Resolution 1735 na inihain ng mga kongresista sa Makabayan, inaatasan ang House Committee on Trade and Industry na siyasatin “in aid of legislation” ang patuloy na pagtangkilik ng gobyerno sa mga imported na PPEs na karaniwang galing sa China.

Tinukoy sa panukala na iniulat ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) na sa 120,000 workers sa local garment industry ay aabot sa 25,400 na mga manggagawa ang tinanggal sa trabaho.


Sa bilang na ito, 3,500 na mga empleyado ay mula sa tatlong kompanya na ini-repurpose para sa local production ng mga PPEs.

Batay pa sa CONWEP, ipinatawag sila ng pamahalaan noong nakaraang taon upang punan ang pangangailangan ng bansa sa medical grade na PPEs kung saan agad silang bumuo ng Coalition of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) at namuhunan para sa paggawa ng PPEs na aabot sa ₱1.7 billion.

Magkagayunman, sa kabila ng panghihikayat ng pamahalaan sa local production ng PPEs ay patuloy pa rin ang gobyerno sa pagbili ng imported na mga PPEs na nagiging sanhi ng pagkalugi nang husto ng mga local manufacturers.

Nababahala ang lokal na industriya dahil hindi nila magawang makapagsabayan sa mga naglipana ngayong mga foreign PPEs na ibinebenta sa murang halaga at ang iba ay substandard pa.

Facebook Comments