Manila, Philippines – Inuulan ngayon ng mga batikos sa social media partikular sa twitter si Makati Mayor Abby Binay.
Bunga ito ng paninindigan ni Binay na huwag magsuspinde ng klase sa lungsod sa kabila ng malakas na pag-ulan.
Partikular na umaalma ngayon ang mga magulang ng mga estudyante sa kolehiyo sa Makati.
Anila, hindi lahat ng college students sa Makati ay naninirahan sa lungsod.
Nalito naman ang isang magulang na si Rudy Villar dahil ang tweet ng alkalde na may pasok sa lungsod ay 1:52 kaninang madaling araw subalit ang sa announcement nito ay nakalagay ang “tomorrow” na hindi daw nila malaman kung ito ay para ngayong araw o para bukas, Biyernes.
Ayon kay Ines Marco, kapag hindi naman pinapasok ng mga magulang ang kanilang mga anak, hindi tatanggapin ng professor ang kanilang excuse.
Nagbiro rin ang isang estudyante ng Makati na si Vanessa na aniya ay mumultuhin niya ang alkalde kapag tinamaan siya ng kidlat.
Sinabi naman ng isa pang estudyante na si MJ Sarzate na aniya ay pusong bato ang desisyon ni Mayor Binay.